Tuesday, June 12, 2012

“OO” : Dinemonyong Siguro

Magaganit na pagbuntong hininga...
Hindi matukoy kung aling ingay ang sa akin, at alin ang kanya.
Nagsusumamo sa pangalan ng mga santo. Maging mga dyablo’y sinusuyong maging mahistrado. Sa sobrang lakas ng pagbunglahit nya, halos hindi ko marinig ang sarili kong konsensya.
Diskarte. Atake!

Sana ikaw na ang hinahanap kong dapat bumasa nito..

***

Ako na kumukwenta sa mga bayaring hindi naman mababayaran. Siya na pasuray-suray at amoy alak na tumapak sa pinagtagpi-tagpi naming bahay. Palaging ganito ang senaryo. Mag-isa akong magliligpit, maglilinis at magtitiis. Lilipas ang buong araw saka sya darating. Muli akong magliligpit ng likidong isinuka niya sa sahig. Maglilinis ng mga bubog dahil sa binasag nyang bote ng Tequila. At magtitiis sa ibinabaon nyang suntok at tadyak sa tuyot kong katawan.

Kapag sawa na syang sirain ang aming mga gamit pati ang aking katauhan, aalis sya. Dadayuhin ang lugar na tutugon sa tawag ng kanyang mga laman. Muli, maiiwanan akong mag-isa. Pagkadaka’y babalik sya. Lalapastanganin ang kanyang alipin. Paulit-ulit lang. Masining ang pagpapahirap na ipinadanas nya sa akin. Sabi pa nga ng mga kapitbahay: “Kahanga-hanga!”

Sumapit ang gabing sakdal dilim. Kumakalabog ang pintuan. Mas malakas ang katok niya kumpara dati. Hindi! Hindi lamang katok ang kanyang ginagawa. Winawasak nya ang pintuan. Nagpupumilit pumasok habang naglilitanya ng mga murang kinasanayan ng kanyang dila. Nababad ako sa kilabot. Inihanda ko ang sariling katawan sa mapagmalabis na halimaw.

“Tang-*na mo ka, cecilia!!! Ipalaglag mo ‘yang tang-*nang batang yan! Hindi ako ang ama nyan! Malanding put*! Kung kani-kanino mo ipinapakamot yang kati mo sa katawan! Tsang*la!!! Buksan mo ‘to!”

Desidido syang pumatay. Hindi lang isa kundi dalawang tao. Ako at ang inosenteng lalang sa sinapupunan ko. Habang kumikibit ang aking balikat, may mga ideya ding gumigitla sa’king isipan.

Siguro’y mas malakas ako kaysa sa kanya dahil lasing sya. Siguro’y kaya kong lumaban. Siguro ito ang panahon upang may magbayad sa mga utang. Siguro.. marunong akong magbaon ng patalim sa kanyang katawan. Unti-unti, lahat ng “siguro” ay napalitan ng “oo”.

               ***
Kapag may nawawala, may bagong isasalta.. Pumanaw ang aking asawa ngunit matiwasay kong nailuwal ang aking anak.

Nang magpataw ako ng “oo” sa aking mga “siguro”, akala ko’y isa lamang ang mawawala sa akin. Ngunit hindi lang pala sya ang napatay ko. Kundi pati ang aking sarili.

Namatay ang dating ako. Ibang Cecilia ang nabubuhay sa gusaling ito. Namimili na ako ng taong ngingitia’t kakausapin. May mga sandaling magwawala ako’t papalahaw. Puro ako pagbabakasakali. Hindi kilala ng aking isip ang salitang “oo”. Siguro... Panay “siguro”. Baka itong binabasa mo ay hindi rin totoo. Marahil ay nagsisinungaling ako. Baliw.. ako? Siguro.. Pero kahit kailan ay hindi ko isasagot ang “OO”.

Huwag kang matakot sa binabasa mo.. Darating ang araw na papatay ka rin ng tao.. Magkikita tayo sa gusaling ito. Kung saan paiinumin ka rin nila ng mga tabletang walang lasa kahit nguyain mo pa. Mababaliw ka rin.. Papatayin mo rin ang iyong sarili.. Siguro.. Basta, hihintayin na lang kita dito...

No comments:

Post a Comment