"Katigasan. Diyan magaling ang tao- sa pagiging bato."
Nasubukan mo na bang magsakripisyo? Tipong kahit sa mabababaw na bagay, ipagkakait mo pa sa sarili mo para lang sa ibang tao. Ako kasi, hindi pa. Gusto mong malaman kung bakit? Pwes, angkinin mong iyo ang storya ko.
Isang bubble gum ang dumikit sa 5 inch heels na suot mo habang binabantas ang Edsa. Bukod sa mga dura na nagkalat sa kalsada, kaliwa't kanan rin ang mga badjao na humihingi sa'yo ng awa. Awang katimbang ay pera. Madafucker. Buti kasi sana kung matapos mong lagpasan ang buhol-buhol na trapiko, maginhawa na. Pagdating mo kasi sa paaralan, mga estudyanteng ni hindi mo saulo ang pangalan ang haharapin mo pa't pakikitunguhan.
Namumuting blackboard. Maasim at malagkit na singaw. Matitinis at malalalim na pagsigaw. Di mo pa nahahawakan ang doorknob, iyan na ang sasalubong sa'yo bago ang ano pa man. Isang araw na namang pagtuturo sa mga kabataang walang malasakit sa sariling kinabukasan ang iyong gagampanan.
"Maari ba akong maging kandado
Na akma sa susi mo?
Sa mapanglaw na gabi, maari ba
Ako'y maging tanglaw na supling ay saya?"
Pumapasok pa rin pala sa klase mo ang hibang na tinubuan ng tao. Natatawa ka na lang sa tuwing matatanggap ang mga tulang binibigay niya sa'yo araw-araw. Walang palya kung humabi sya ng mga taludtod na bumubuo ng saknong. Saknong na bubuo ng mga tulang "maari ba?" ang panimula. Katawa-tawang bata.
"Hiyas akong nagmistulan,
Maari bang ikaw ang aking maging kinang?
Itinuturing mo akong isang pagkakamali
Maari bang pagbigyan panahong aking hinihingi?"
Nagpatuloy pa ang pagbibigay niya sa'yo ng mas maraming tula. Tulang batid mong pinaglalaanan nya ng oras para maging obra. Tulang ginagawa mo lamang isang scratch at ang talagang nakikinabang ay ang basurahan. Naging mas madilim pa ang paningin mo kaysa sa isang bulag upang hindi pansinin lahat ng ginagawa niya upang mapalapit sa'yo. Daig mo pa ang mga taga-selda sa katigasan upang di mo pahalagahan ang minsang pagtakip niya sa kasalanan mong pananakit ng isang mag-aaral. Buti pa ang chalk na gamit mo, kapag nadiinan, nauubos at nagpapagamit. Mabuti pa ang chalk, hindi humihinga, pero marunong makisama.
Sa lahat ng pagpapahiyang isinampal mo sa estudyanteng iyon, dumating na rin ang araw na hinihiling mo. Umugong ang isang kahindak-hindak na balita. Sinundan ito ng pagkawala niya sa klase mo. Kasabay nito ang pagkawala ng mga tulang binibigay niya sa'yo. Naglaho siya hindi lang sa silid-aralang pinapasukan mo kundi pati na rin sa kinabibilangan mong mundo.
Naging balisbis ang paglipas ng iyong oras. Naging pangkaraniwan ang buhay mo araw-araw. Sa sobrang pangkaraniwan ay maging ang mumunting blackboard,matinis na sigaw at maasim na singaw sa silid aralan ay iyo na ring nakasanayan. Hindi mo na ito iniinda tulad ng dati. Iisang sigaw na lamang ang hindi mo maunawaan kung bakit ngayon ay hindi mo kayang tiisin. Sigaw na hindi mula sa tinig ng mga estudyanteng kaharap mo. Sigaw na waring tinatawag ang isang taong iyong isanantabi't pinagtawanan. Sigaw na umaalingawngaw dahil sa taglay mong pangungulila sa mga nakasanayang tula. Sigaw na nagmumula sa iyong puso. Sigaw na tumatawag sa iyong sariling anak.
Ano nga bang ginawa mo sa sarili mong supling? Pinilit mo lang namang tanggalin siya sa iyong sinapupunan noong dugo pa lamang siya. Sa kadahilanang di nagtagumpay ang iyong nakasusuklam na balak, ipinagkait mo sa kanya ang pagiging isang ina at maestra. Ipinadama ang mundong 'sing lalim ng pagdurusa at 'sing lawak ng pag-iisa.
Ngayon, masaya ka na? Natapakan mo siya tulad ng mga durang dinadaanan mo sa Edsa. Binalewala tulad ng mga Badjao na nanlilimos sa'yo- limos ng pagmamahal at pagmamalasakit. Kinainisan tulad ng bubble gum na waring ibig na dumikit sa iyong mundo. Maaring malinlang mo ako kung sasagot ka ng oo, pero hinding-hindi mo maloloko ang sarili mo. Sapagkat dama ko ang sakit na nananaig sa'yo ngayon. Alam kong ibig mong ibalik ang nasayang na panahon. Batid ko'ng lahat ng iyan sapagkat, ito ay aking kuwento.
Ikaw na lang. Iyo na lang sana itong storya ko. Sana ako na lang ang natuto sa pagkakamali mo. Ikaw na lang sana ang hindi natutong magsakripisyo at kumilala ng kadugo. Ikaw na lang sana ang naging malupit sa taong ikaw mismo ang nagpunla. Ikaw na lang sana ang umaasang madudugtungan pa ang kanyang hininga't mga tula. Ang daming mga "sana".
Ngayong nasa dulo ka na ng storya, magtatapos ito hindi sa "mo" kundi sa "ko". Babalik sa pagiging "akin" mula sa kaninang naging "iyo". Kahit gaano ko man gustuhing tumakbo at umalpas sa karanasang ito, hindi ko magagawa. Sapagkat nangyari itong lahat at binigyan ko nang malungkot na pagwawakas. Kung kaya't wag mong hahayaang ang storyang iyong minsang inangkin ay magkaroon pa ng part 2 sa buhay mo.