Malambing ang pagbulong sa akin ng saliw ng hangin. Tanging mumunting kinang ng mga bituin ang umaaliw sa aking paningin. Bumabanig ang malapot na katahimikang lalong nagpapasalimuot sa aking paghihintay. Paghihintay sa taginting ng orasan na nasa aking harapan.
Napalitan ng saya ang karimlang halos gumapos sa aking bawat paghinga. Nadinig ko na kasi ang matinis na pagtunog na kanina pang hinahanap ng aking tainga. Magkikita na namang muli tayo, aking mahal. Magkakausap na namang muli hanggang sa sumalubong ang bukang liwayway.
Waring isang musmos na sabik sa supot ng kendi ang aking anyo sa harap ng telepono. Isa...Dalawa...Tatlo...Sunod-sunod ang pag-ring sa kabilang linya. Hanggang sa narinig ko na ang iyong tinig. Tinig na kumiliti sa bawat bagting ng aking puso.
"Magsalita ka ng kahit ano, gusto ko lang marinig ang boses mo. Kahit anong storya, papakinggan ko basta't galing sa'yo. Sige na, Elisha, ikaw naman ang magkuwento."
Binasag muli ng isang taginting ang aming pag-uusap. Isang oras na pala ang nakalipas. Ay, hindi! Limang oras na pala sapagkat natanaw ko na ang liwanag sa labas.
Ibinaba ko na ang telepono at nagsimulang tanungin ang sarili ko. Katanungang gumising at saglit na nagpahinto sa tibok ng aking puso.
Hanggang kailan akong ganito? Hanggang kailan ako makikipag-usap sa linyang walang ibang nagsasalita kundi ako? Hanggang kailan ko sisilayan ang litrato nating dalwa hanggang sa abutin ng umaga? Hanggang kailan ako aasang akin ka pa?
Kumain ka na ba? Magpahinga ka muna. Mahal kita. Nangangapa ako sa tinig mong muling wiwikain ang mga katagang iyan. Tulad ng pangungulila sa tubig ng 'sang lantang halaman ang paghahanap ko sa'yo. Paghahanap sa sayang minsang pinuno mo sa aking mundo. Mundong tanging ikaw lamang ang kinilalang uniberso.
Batid kong hindi na ang piling ko ang hanap mo. Gayunpaman, ang paghihintay sa'yong pagbabalik ang aking maipapangako. Titiisin na maging katuwang lamang ay ang iyong larawan at ang telepono. Hangga't mayroong alas-onse ng gabi, umasa kang maghihintay ako.
No comments:
Post a Comment