"Hindi kasi lahat maitatama ng pahayag na "Kailangan kita." Hindi bawat damdamin pwedeng sagipin ng salitang "Mahal kita." May mga katagang tulad nyan na pumipili ng panahon. Mga katagang hindi na natin maaring sabihin sa isa't isa. Kasi...dahil..."
Nakakabusog na paalmusal ang misa sa bahay namin. Hindi man pumasok sa kumbento, araw-araw na magkakaibang sermon ang minomonolog ng nanay ko. Maya't maya, may utos sya sa aking kahit ang mga maton sa kanto ay hindi kayang gawin. Mag-igib ng tubig mula sa poso ni Aling Marsing, magpukpok ng nakausling bakal sa bahay namin, linisin ang alulod ng bubungan at kung anu-ano pa. Kung nandito lang kasi siya, hindi ako ang mag-isang gagawa ng lahat ng ito. Gasgas man, pero eto na nga lang yata ang masasabi ko- Past is past. Pero, siguro nga, may mga nakaraang mahirap ibaon sa limot.
Limang taon na rin ang nakakalipas nang huling magkausap kami ni Jeffrey. Nagsimba kami bilang kaarawan naman nya. Sinuot ko pa nga ang padalang coat ng tiyahin ko, ang lakas kasing maka-executive nun! Sariwa pa sa isip ko ang homilya ng pari nang Linggong iyon. Tungkol daw kina Eba at Adan. Kung bakit kinagat ni Adan ang mansanas ni Eba. Kung paano sila nagparami. Kung paanong tayong lahat ay naging magkakapatid.
Dumiretso kami sa fishballan matapos ang misa. Baduy man, pero masasabi kong ako na ang taong nakakain ng pinakamasarap na fishball. Pinakamasarap na fishball dahil si Jeff ang kasalo kong kumakain. Parang hanggang ngayon nga ay nanunumbalik ang lasa ng sauce sa bibig ko. Hhhmm.
Narating namin ang tugayog ng sarap pagkatapos naming kumain. Sarap na tanging likod lamang ng simbahan ang nakakaalam. Dilim ang naging kumot sa aming mga hubad na katawan. Maging sa dilim, hindi maitatanggi ang liwanag ng aming pagmamahalan.
Lumobo na nga ang tyan ko. Dahil sa pagiging thoughtful ng mga magulang ko, ipinapalaglag nila ang bata sa aking sinapupunan. Dugo pa lang naman daw 'to, kaya hindi masama. Mas kademonyohan raw kung iluluwal ko pa ang batang ito sa mundong pagmamalupitan sya dahil sa mga magulang nyang makasalanan. Nakipagusap ako sa kanila bilang isang ina, bilang isang anak, at bilang isang babae. Ngunit wala akong nagawa, desidido silang putulin ang paghinga ng taong sumisipa sa aking sikmura.
Nakipagkita ako kay Jeff sa araw ding iyon. Pabiro ko pa ngang sinabi ang balak ng mga magulang ko tungkol sa aming anak. Thoughtful din pala itong si Jeff! Hindi sya tumutol. Hindi sya umiyak. Pumayag syang patayin ang buhay na sa kanya mismo nagmula.
"Hindi kasi lahat maitatama ng pahayag na "Kailangan kita." Hindi bawat damdamin pwedeng sagipin ng salitang "Mahal kita." May mga katagang tulad nyan na pumipili ng panahon. Mga katagang hindi na natin maaring sabihin sa isa't isa. Kasi...dahil..."
Magkapatid kaming dalawa. Tulad nina Eba at Adan, kumagat sya sa mansanas ko na nagbunga raw ng isang kasalanan. Pero, bakit ganoon? Ang kasalanan nga nina Eba at Adan, hanggang eskwelahan ay pinag-aaralan. Bakit ang pagkakamali nina Eba at Adan, natanggap ng lipunan? Sana ganoon din ang nangyari sa amin ni Jeff. Hanggang sana na lang.
Sa bawat pagkuskos ko ng labadang pinapatapos sa akin ng aking ina, bumubula lahat ng alaala. Ang simba tuwing linggo. Ang masarap at mainit-init na fishball. At ang dilim sa likod ng simbahan. Ayoko pang tumigil sa pagkukuwento. Gusto kong balikan ang nakaraan kahit masakit o mali pa ito. Ang nakaraang nagpapaalala sa akin na minsan akong nagmahal at minahal. Pagmamahal na hindi namin mali pero hindi nga lang maari.
Ngayon, nagmamakaawa ako sa writer na magsulat pa ng mas maraming flashbacks tungkol sa amin ni Jeff. Lagyan pa sana nya ng mas mabubulaklak na salita upang lalong mapatamis ang aming pag-iibigan. Mga flashback na lang kasi ang meron ako ngayon. Pinipilit ko ang manunulat na huwag munang ibaba ang ballpen. Na sana ipagpatuloy pa niya ang aking storya- ang storya namin ni Jeff. Pero, nararamdaman ko na ang unti-unting niyang pagbitaw sa pluma. Narinig ko na rin ang pagpulot sa takip ng ballpen...
No comments:
Post a Comment