Sunday, January 22, 2012

Agosto

“Tagu-taguan maliwanag ang buwan. Pagbilang ko ng tatlo nakatago na kayo.”


Tila ba mayroong laging isang matang nakabantay sa bawat pagkilos ko. Paglingon ang aking iginaganti sa tuwing babalutin ako ng pakiramdam na ito. Yun bang parang laging mayroong nakatingin. Laging mayroong nagmamasid. Laging mayroong nakasunod sa akin..


Mabagal ang aking paghakbang. Mabagal rin ang bawat pagpatak ng ulan. Tulad ng nakasanayan, nakalimutan ko na naman kung saan ko naipatong ang payong na aking dala. Dala na rin ng masuwerteng pagkakataon, mayroong isang binatang nag-alok sa akin ng kanyang payong.


Matikas ang kanyang tindig na sumasalungat sa maamo niyang mukha. Naaliw ang aking mata sa pagsusuri ng kanyang kaanyuan. Binanggit ko ang aking pangalan upang magpakilala. Bakit ganoon? Malagkit na pagluha ang isinukli sa akin ng kanyang mga mata.


“Ako si Isaiah. Pwede bang ihatid muna kita pauwi?”


Bakas ang pait sa kanyang pagngiti. Pait na hindi ko mabatid kung bakit naghahatid din ng kirot sa aking dibdib. Hindi ako nakatiis kung kaya’t tinanong ko sya kung matagal na ba kaming nagkakilala. Sumagot siya. Sumagot sya na tila ba bumuwag sa aking pagkatao.


“Ganitong oras, sa lugar ring ito, tuwing buwan ng Agosto- madalas tayong naglalaro ng taguan. Nakikita mo yang puno ng Mangga? Gustong-gusto mong humiga sa lilim nyan kaya sinasamahan kita. Naalala mo na ba? Alalahanin mo naman Angel. Kahit minsan lang, matandaan mo ako. Kahit ngayon lang…”


Kababata. Kaibigan. Katuwang. Kasintahan. Isaiah. Limang salitang magkakaugnay. Limang salitang aking naunawaan sa sandaling ito. Sandaling bukas ay malilimot na rin ng isipan ko. Sandaling kahit ano mang pilit ay hindi magtatagal. Sandaling kilala ng aking puso subalit sa isipan ko’y unti-unting naglalaho. Alzheimer’s disease, bakit ako pa ang napili mo?


Maghihintay daw sya ng walang hanggan. Araw-araw akong susundan at babantayan. Magpapakilala kahit batid nyang malilimot ko rin ang kanyang pangalan. Sasalubungin ako upang pasukubin sa tuwing buwan ng Agosto. Patuloy akong hahanapin sa pauli-ulit na paglalaro naming ng taguan.


“Isa, dalawa, tatlo…boom Angel! Ako ulit ang taya..”

No comments:

Post a Comment