Sunday, July 22, 2012

Ikaw ba yung hinahanap ko?


“Kiawti mey! Para kang erna!”

               Wag kang mag-alala. Hindi lang ikaw ang napakunot ang noo dahil sa pahayag kong ‘yan. Mabaho ang ibig sabihin ng kiawti. At tae naman ang kahulugan ng erna. E ano naman ang pakialam mo di ba? Maipapambayad mo ba ng kuryente ang natutunan mong mga salita? Marahil, hindi nga. Pero hindi kasi ganyan kababaw ang pag-iinugan nitong aking storya. Hindi lang ‘yan ang alam kong depinisyon ng kiawti at erna. Buong buhay ko kasi, nabalot ako ng baho at tae. Hindi mo maintindihan? O baka ayaw mo lang akong pakinggan?

               Syam o sampung taong gulang. Basta, batang-bata pa ako noon. Gayunpaman, mahusay ng humampas ng pakaliwa at pakanan ang lagi kong nakausling baywang. Dahil sa kamusmusan, paglalaro lang ang prioridad ko sa buhay. Simple lang ang sayang hinahanap ko. Sayang hindi kailangang tumbasan ng pera para makuha.

               Kahit walang paalam galing sa’king magulang, umalis ako ng bahay. Palundag-lundag. Patawa-tawa. Palaro-laro. Ganyan ako dahil ganyan ang tipikal na bata. Pagtapos ng pagliliwaliw, kasabay ko ang buong tropa na umuwi. Sinalubong ako ni Papa sa labas ng bahay. Di ko pa pala nasasabi sa’yo na thoughtful ang tatay ko! Sa sobrang thoughtful nga, malakas nyang inilapat ang kanyang kamay sa aking mukha. Bingo. Hindi ako bato para hindi masaktan. At lalong hindi ako hayop para hindi makaramdam ng kahihiyan. Unang beses kong maramdaman kung paano maging tae. Taeng tinatapakan sa harap ng maraming tao.

               Hindi lang isang beses ipinaramdam sa’kin ni Papa kung paano sya maging thoughtful. Naaalala ko pa, minsan akong nagkamali ng biniling sabon. Paikot-ikutin ko man ang storya, ang pagbulyaw nya pa rin sa akin ang magiging ending. Kaunting pagkibot, pupunahin nya. Kaunting pag-imik, magagalit sya. Hanggang sa nasagad ang pagigging thoughtful nya. Isinilid ako sa sako at inilagay sa kulungan ng baboy. Sa pagkakataong iyon, nabalot ako ng kiawti at erna. Naamoy ko ang tunay na baho. Sa pangalawang beses, nagmistulan akong tae na pinagdamutan ng pagpapahalaga.

               Di nagtagal, nagkaroon ako ng isang kapatid. Dahil doon, nabawasan ang pagiging thoughtful sa akin ni Papa. Kahit papaano’y lumuwag ang tanikalang sumasakal sa’kin simula pagkabata. ‘yong kapatid ko na kasi ang lagi nyang pinupuna. Kung gaano katalino at kalambing ang kapatid ko. Kung gaano sya kaperpekto...

               Dahil nadadagdagan ang aking edad, lumalawak din ang sayang hinahanap ko. Sayang hindi kayang tustusan ng pagpipiko at pagpapatintero lang. Sayang sa kapwa lalaki ko natatagpuan..

               Gusto. Mahal. Paulit-ulit ko ‘yang naramdaman. ‘yon na rin siguro ang dahilan kung bakit maraming beses na akong nasaktan. Hangga’t kaya, magbibigay ako. Naging talyer ako ng effort at pang-unawa. Effort at pang-unawa na naabuso dahil winaldas ko sa maling tao. Minsan, dinadaig ko pa ang pari para magbigay ng kapatawaran sa tuwing may relasyon akong nauuwi sa lokohan. Kumakapit ako sa kanila dahil... natatakot akong malungkot. Pero dahil sa takot na ‘yon kaya hindi ako nagiging masaya.

               Hindi ko na mabibilang ang pagkakataong nagging mabaho ako na parang tae. Yinuyurakan ng sariling magulang. Tinratong para isang mabahong lalang. Nakulong ako sa kapalarang mas maliit pa sa sakong pinagsilidan sa akin dati. Nabuhay ako sa mundong ‘sing kipot ng kalungkutan at ‘sing lawak ng pag-iisa..

               Bakit ko ba sinasabi sa’yo lahat ng ‘to? Nagbabakasakali kasi ako na baka ikaw yung hinahanap ko. Ikaw na hindi mahihiyang samahan akong maglakad kahit pakembot-kembot ang aking baywang. Ikaw na makakapansin ng lihim kong hikbi sa bawat pagtawa. Ikaw na makikinig kahit ayokong magsalita...

(c) Japoy

No comments:

Post a Comment