Friday, August 10, 2012

Pagpapaanod Sa Daluyong


“Babalik ako.. Pero, ayokong maghintay ka...”

               Guni-guni. Siguro nga’y guni-guni lang.

“Hanz?! Nakikinig ka ba sa sinasabi ko?” halata ang bwisit sa boses ni Michael habang patuloy na kinakalantiri ang nakausling straw sa baso ng starbucks.
“Pasensya na. Puyat lang.”
“Lagi naman. Tuwing magkikita tayo, lutang ka.”

Tahasan nyang binitbit ang inumin. Sa halagang 175, nabayaran ko ang bwisit nya sa akin. Mabilis syang tumayo’t hindi nag-abalang magpaalam. Tanging mga mata ko ang naghatid sa kanya palabas ng coffee shop. Ibinulong ko sa aking sarili : “Wag kang maghahabol.”

               Kung bibilangin ko lahat ng ganoong pagkakataon, walang duda na gagamit ako ng calculator. Paulit-ulit ko na kasing naranasan ang pagdabugan. Wawalk-outan tangay ang inumin/pagkaing ako ang namuhunan. Kaya hindi na ako naaapektuhan ng ganyang eksena. Yung may aalis at may maiiwanan. Malas nga lang, kasi yung pangalawang ganap ang laging kong kinalalagyan.

               Agad akong dumiretso sa kwarto pagkauwi ko sa bahay. Mabigat na ibinagsak ang katawan sa kama. Tumitig sa kisame at isa-isang binilang ang naglilitawang mga biak. Dahil walang katurya-turya ang ginagawa, bumangon ako’t nagbukas ng laptop.

               Hanz : palike po ng picture namin ni bheb http://facebook.com/id:1234yz12938
               Arvin : Ikaw ha.. may pinapaasa ka na naman. :)
               Hanz : Ganun talaga, para may appetizer!
               Arvin : Miss na kita

               Nakabitin ang mensahe. Kagabi ko pa tinatangkang sagutin ang huling sinabi nya. Pero sa tuwing pipindutin ko ang enter key, lalamunin ng backspace ang natype ko. Type. Bura. Type. Bura.Hanggang sa ang kumukurap na kursor na lang ulit ang matitira sa screen.

               Gustong-gusto ko syang gantihan ng “I miss you too.” Pero natatakot ako. Baka kapag ipinaalam ko sa kanya ang pahayag na ‘yon, matutuon sa nakaraan ang aming usapan. Nakaraan na ayoko ng lingunin pa. Dahil kapag muli akong lumingon, raragasa ang mga alaala tungkol sa kanya. Tungkol sa amin. Babalik ang nararamdaman ko, pero sya, hindi.

               Hindi ko namamalayan, unti-unti ko na palang ginagalaw pataas ang scroll bar sa chat box. Unti-unti ring lumitaw ang mga dati naming pag-uusap..

               Arvin : I had the best trip of my life.
               Hanz : Ako rin. Salamat ng sobra. I feel special.
               Arvin : No need to say thank you.. Palagi kong ipaparamdam sa’yo yan. Pahinga ka na.
               Hanz : Sige. :)
               Arvin : Wait.. may sasabihin pa pala ako.
               Hanz : ano yun?
               Arvin : I love you :)

               Biglaan, pero masaya. Sya ang nagpakilala sa akin ng ganyang pakiramdam. Sa Baguio kami nagliwaliw noong panahong ‘yon. Isang umaga, narinig ko na lang na bumusina sya sa harap ng bahay. Nagsumigaw na magbihis ako’t maghanda ng gamit. Wala syang sinabi kung saan kami pupunta. Hindi ko rin sigurado kung dapat ba akong sumama. Pero nang sabihin nyang hindi nya ako pababayaan, nawala lahat ng pag-aalala. Bahala na kung saan mapadpad. Bahala na kung wala akong dalang damit at pera. Kasi alam kong hindi ako mag-iisa. Kasi ramdam kong mayroong “siya”.

               Arvin : Sorry.. hindi ko alam na bawal.
               Hanz : No. Ok lang talaga. Siguro, nabigla lang si Papa.
               Arvin : Next time, I’ll let you know first bago ako magpadala dyan ng chocolates.
               Patuloy akong napapangiti habang nagbabasa. Noon pa man, hilig na nya ang mga sorpresa. Natatandaan ko pa na bigla akong magigising dahil sa mapagmataas na boses ni Papa. Tatanungin kung kanino galing ang mga pinapadalang tsokolate at bulaklak sa bahay namin. Syempre, nakatikom lang ang bibig ko habang naglilitanya si Papa. At kahit gaano pa kahaba ang sermon ng tatay ko, hindi nito nagagasgasan ang sayang dulot ni Arvin at ng mga sorpresa nya. Lagi nyang sinasabi sa akin : “I won’t make promises, dahil pwede kitang masaktan through those. Surprises, yan ang ibibigay ko sa’yo. Para lagi kitang mapapasaya.”
               Arvin : Glad your home, safe. :)
               Hanz : Oo, naman. Malaki na kaya ako. Hehe.
               Arvin : Kung hindi lang talaga magagalit ang Papa mo, lagi kitang ihahatid.

               Paano ko ba malilimutan ang mga sinabi nyang ‘yan? Hindi puro sa salita ang pagbabantay at pag-aalaga nya. Pinagbubuksan ako ng pintuan sa tuwing bababa ng kotse. Pinapakilala sa mga kaibigan. Pinapayungan sa tuwing umuulan. Hahalik sa aking noo. Kahit kaming dalawa lang o sa harap man ng madla, hindi nya ako ikinakahiya. Sa akin nya ibinubuhos lahat ng pag-iintindi at atensyong mayroon sya. Ipinaparamdam na ako lang talaga at wala ng iba. Hindi ko hininging gawin nya ‘to. Kadalasan nga, hindi rin ako nakakapagbigay ng sukli. Pero ni minsan, hindi nya binawasan, binawi, o isinumbat man lang ang lahat ng kanyang pang-unawa.

               Nagring ang cellphone ko. Binalik ako nito sa pangkasalukuyang mundo. Matapos maging masaya dahil sa mga nabasa, bahagya ng pumupulandit ang sakit. Nananariwa ang guni-guning nagmumulto kanina pa.

               “Aalis ka papuntang Canada? Bakit ngayon pa? ...Babalik ka pa ba?”
               “Babalik ako.. Pero, ayokong maghintay ka...”
               Sobrang hilig nya talaga sa sorpresa. Nagdesisyon syang umalis. Papuntang Canada. Papalapit sa kanyang pamilya. At papalayo sa akin.

               Kahit kailan, hindi nya sinadyang saktan ako. Kaya nga hindi sya nagbibitiw ng mga pangako. Kaya nga ayaw nyang ikumpermiso ko ang aking sarili hanggang pwede na ulit kaming dalawa. Kasi hindi sya sigurado kung magagawa nya akong balikan kahit gustuhin pa nya. Dahil pamilya nya na ang humiling na lumipad sya papuntang Canada. Siguro, doon nya rin matatagpuan ang katuparan sa kanyang mga pangarap. Wala akong balak pumagitna sa magandang kapalaran na iniaalok sa kanya ng Canada. Masyado ko syang mahal para ikulong sa napakaliit na mundo, kung pipiliin nyang ako ang makasama.

Maghintay? Siguro, kaya ko. Pero ayaw nyang gawin ko ‘to. Ayaw nya akong paghintayin dahil ayaw nyang maramdaman ko na ako ang naiwanan. Na ako ang nawalan. Na ako ang masasaktan. Kaya, tinapos namin ang nasimulan na akala namin ay wala ng hangganan.

Nag-uunahang bumaba ang mga luha. Akala ko, ubos na ang mga ‘to dati pa. Ibinaling ko ang atensyon sa aking cellphone na kanina pang may tumatawag.

“Hindi na ako masaya, Hanz. Tigil na natin ‘to.”
“OK. Sige..”
Nauna akong magbaba ng telepono. Pinilit kong kandaduhan ang lagusan ng tubig sa’king mga mata. Ngunit, nagpatuloy ang aking pagluha.  Hindi dahil kay Michael. Sa halip, bumalik ako sa harap ng laptop. Taglay ang nanlalabong paningin, nagsimulang gumalaw ang aking mga daliri.

“Arvin.. Mahal pa rin kita.”

Type. Bura..
Type.. Type. Bura.

No comments:

Post a Comment