“Ilang panyo na ang nabasa. Ilang tissue na ang siningahan. Pero ang luha at uhog, patuloy pa rin sa pag-uunahan...”
Sa harapan ng salamin. Sinimulan ang pagmomonologue. Umaasang sa kanya ay walang nakaririnig. Iniipit ang tinig. ‘Sangkatutak na emosyon ang kinakabig..
“Congrats! Ikaw na naman ang taya!”
Unti-unti, bumaba ang naka-arkong kilay.
“Naglalaro kayo di ba? Gamitan-Tao. At dahil ikaw ang taya, kailangan mong maghabol para magging masaya ang laro. Ikaw ang mapapagod. Ikaw ang laging tatakbo. At, ikaw lang rin ang kadalasang nadadapa. Ah! Hindi ka nagsasawa? Ayaw mo bang, kahit minsan, may makasama kang madadapa? Di ka mag-isang tatawa o iiyak habang nakalupasay sa kalsada..”
Lalong pinatikas ang tindig. Pinagpag ang watak-watak na mga kusot. Ang nasa damit ay natanggal, ang sa mukha’y lalong naglitawan.
“Hindi mo sya pwedeng lapitan. Kasi, madumi ka. Sa iyo nya itinapon lahat ng dungis nya. Matapos nyang ibuga sa’yo lahat ng panghihina, sakit at mga storya, hindi ka na nya kilala. Hindi rin sya natatakot na mawala ka. Alam nya kasing lagi kang nandyan. Isang basurang kahit puno na, pumapayag pa rin na matapunanan.”
Basag ang boses. Ngunit mas wasak ang puso. Hinahapo ang mga salitang paulit-ulit na iniinda.
“Kung mapapanuod nya lahat ng pagmomonologue mo. Kung maririnig ka nya sa tuwing kakanta ka sa entablado. Kung mababasa nya bawat sinusulat mo. Siguro, magiging proud na sya sa’yo. Hindi ka na nya itatago. Hindi ka nya babalewalain. Baka sakaling maging parte ka ng kanyang mundo. Bahaging hindi parang isang islang sya lang ang nakakaalam. Kundi isang siyudad na kahit kanino at kahit anong oras ay lagi nyang ipagmamayabang.”
Panandaliang bumalong ang katahimikan. Naghahagilap ng mga salitang tutumbas sa hapdi. Pinakawalan ang abang buntong-hininga. Saka muling ibinuka ang bibig..
“Nahihiya sya na ikaw ang kasama. Hindi ka sikat. Hindi ka maganda. Ang meron ka lang ay ang mga daliring iyan. Daliring nagsusulat ng mga dayalogong ikaw ang magmumukhang kawawa at nanlilimos ng simpatya.”
Marahang yumuko. Sumidhi ang panginginig ng buong katawan. Ibig sumigaw ngunit batid na lahat ay nagbibingi-bingihan. Kung kaya’t, pinanatili ang mahinang boses. Kinimkim ang rekadong pait sa bawat patak ng tubig mula sa mga mata.
“Parausan. Iyan ka. ‘yan ka lang para sa kanya..”
No comments:
Post a Comment