Thursday, October 25, 2012

Pihit Ng Emosyon


*Malakas ang paghampas ng hangin. Ngunit mas malakas ang panaghoy ng bawat salitang binibitawan ng nakatayong lalang..*

Nakangiti pa rin ako. Kahit pilit, basta para sa’yo. Ngayon, di ko na kailangang maghintay ng “Kailan” o “Paano”. Kasi, alam kong wala ng babalik na “Sino”. Sa harap mo irerewind ko yung kwento.. Yung tayo..

“Kahit ayaw mo ng pumunta dito, sinamahan mo pa rin ako. Salamat, Zen.” Lumapat ang ulo ni Neil sa balikat ko. Mula sa itaas ng wall sa Intramuros, bumalandra sa mukha nya ang ngiting ‘sing lawak ng golf field. Kaarawan nya noon, kaya pinagbigyan ko ang hiling nya. Hiling na puro ikaw ang pinapaalala.

Intramuros. Walls. Golf field. Tatlong salitang minsang nagkaugnay-ugnay dahil sa ating dalawa. Pagod, malungkot o kahit gusto lang nating magsaya. Sa mga lugar na ‘yan tayo pupunta. Iuukit ang pinagdugtong nating pangalan sa mga bato. Pagkadaka’y itatabi ang mga ito sa bibig ng mga kanyon. Sisilipin pagkalipas ng ilang linggo. At sa puntong di natin makita ang mga ito, muli tayong uukit sa ibang bato. Di ko pala nasabi sa’yo, nagtago ako ng isa. Dala ko pa nga ngayon. Tingnan mo..

“Si Keith, nakalimutan mo na ba?”
“Oo.. Wala na sya. Ikaw ang nandito.”

Sa sagot na ‘yon, nakumbinsi ko si Neil. Pero kung ang pagkakumbinsi ng sarili ko ang pag-uusapan, doon ako hindi sigurado. Sa tuwing tatanungin kasi ako ni Neil tungkol sa’yo, hindi ko alam kung ano ba ang bumabalik. ‘Yong saya ba o ‘yong sakit. Pero kung talagang nakalimutan kita, dapat walang nananariwang ni anumang pakiramdam o alaala.

“Excuse me? May naligaw bang golf ball dito? I’m hoping that it went in this direction.”

Mali na nilingon ko ang boses mula sa likuran. Mali na nilingon pa kita.

“Zen! It’s you!”
“Keith? Kelan ka pa nakabalik?”
“Last week lang. Pumupunta ka pa rin pala dito..”

Mapagmayabang na umakbay at pasadyang umubo si Neil. Agad ko syang naisantabi kahit di ko man sinasadya. Napukaw ako ng kislap sa’yong mata. Kislap na hinanap-hanap ko simula ng mawala ka. Kislap na ayoko ng kapuwingan pa. Sa ilalim ng mga silahis ng araw, nagtagpo ang aking nakalipas at nakaraan.

Gusto kitang kausapin, pero di kita pwedeng abutin. Gusto kitang hawakan, pero di kita pwedeng lapitan. Gusto kitang yakapin, pero di na kita pwedeng mahalin. Kung bumalik ka lang sana ng mas maaga. ‘Yong maaga na walang pang Neil. Neil na nandyan para patahanin ang bawat iyak ko, para tumukod sa tuwing mabubuwag ako at para pakinggan ang lahat ng hinaing ko tungkol sa’yo.

Chat. Text. Meet-ups. Hindi naputol ang komunikasyon natin sa isa’t isa simula ng bumalik ka. Lahat ng ‘yan ay nangyari sa likuran ni Neil. Nabudburan ng excuses ang aming pagsasama. Namutiktik ng mga alibi ang nauudlot naming pagkikita. Oo, pagdating sa akin, ikaw ang nauuna. Pero kahit si Neil ang inilalagay ko sa pangalawa, hindi sya umalis at nag-apura. Nagawa ko syang lokohin dahil mas malakas ang bulong ng puso ko kesa sa sigaw ng konsensya.

Ginagago ko si Neil. Pero minsan, naiisip ko na parang mas ginagago ko ang sarili ko. Nakaya ko naman noong minsan kang mawala. Nabuhay ako. Nakahinga. Hindi nga lang ganoon kasaya. Bakit ba ako natatakot na muli kang mawala? Dahil ba sa mga batong inukitan mo ng pangalan nating dalawa? Dahil ba sa mga sorpresa mong walang ibang nakakagaya? Dahil ba ang sakit harapin ng katotohanang ako ulit ang maiiwanan? O baka naman dahil sa simpleng mahal lang talaga kita. Hindi na kailangang ipaliwanag. Hindi dapat hanapan ng rason at gawing komplikado. Kasi nga, simple lang. MAHAL KITA.

Hindi kasi sa lahat ng pagkakataon masasagip tayo ng pahayag na “Mahal kita.” Kapag sa’yo ko sinabi ang mga katagang ‘yan, paano si Neil? Mapapabayaan syang nakabitin sa hangin kasama ang hapding dulot ng pagpiling gagawin ko. Hindi ko sya hahayaang masaktan. Dahil.. mahal ko rin sya? Patanong. Oo, pinagdududahan ko ang pagmamahal ko sa kanya dahil bumalik ka. Lintik. Ultimo sarili kong pakiramdam, nakasalalay pa rin sa’yo.

Sabihin mo Keith, paano ako magsisimula ngayong nandito na ako sa gitna? Aabante ba o aatras? Kanino ako dapat sumama? Anong emosyon ang dapat tumigil? Ikaw ba o si Neil..

            Nakapagdesisyon na ako ng araw na ‘yon. Tapos na ang karera ng storya natin, pero naglakas loob akong muling tumakbo kasabay ka. Tutuldukan ko ang sa amin ni Neil. Walls sa Intramuros. Sa lugar na ‘yan dapat kami magkikita. Ngunit nalihis kami papunta sa ibang tagpuan.

            “Si Keith.. sya pa rin di ba? Alam ko naman. Ok lang, ang mahalaga, Zen.. ay kung kanino ka mas masaya. Maiintindihan ko.” Pautal na pagsasalita ni Neil habang hinahabol  ang sariling hininga.

            “Kapag nawala ako ngayon, wag kang iiyak.. Hindi ko na magagalaw ang kamay ko para patahanin ka...”

            Ako ang nang-gago. Bakit si Neil ang kailangang bawiin ng karma?! Nang gabing ‘yon, naging biktima sya ng walang patumanggang pagmamaneho ng isang driver na kargado ng alak at droga. At dahil sa aksidenteng ‘yon, malala ang engkwentrong inabot ng kanyang mga mata.

            Sa puntong iyon, nahilamusan ako ng dugo at realidad. Panaka-naka akong binanigan ng takot. Takot na baka mawala si Neil hindi lang sa buhay ko, kundi sa sarili nyang buhay mismo. Hindi sya maaring umalis gaya ng ginawa mo. Patawad Keith, pero hindi katulad mo, di ko alam ang pakiramdam na wala sya sa tabi ko. Ni hindi ko alam kung kakayanin kong araw-araw na hindi maamoy ang bango nya. Na hindi maramdamang nandyan sya kahit hindi ko pinagtutuunan ng pansin. Ang sulok ng puso’t isipan na kanyang kinalagyan ay mas malaki pa pala kaysa sa aking inaasahan. Sa mga panahong pinabayaan mong hungkag ang aking pagkatao, sya ang bumuo nito. Kaya, mawawasak ang buong ako sa oras na sya ang maglaho.

Sa ngayon, ang dami ko ng naitama. Hindi ko na hinahanap kay Neil ang parehas na sayang ipinaramdam mo sa akin. Dahil kahit anong paghantulad ko sa inyong dalawa, hindi kayo magkakapareha. Ikaw ang nakaraan. Sya ang kasalukuyan. Hindi tama na humugot ako ng identikal na emosyong magmumula sa magkaibang panahon. Lalo pa sa magkaibang katauhan.

            Inaalagaan ko sya’t patuloy na aalagaan pa. Sisiguraduhin kong hindi sya magiging malungkot. Wag kang mag-alala, hindi luluha ang mga matang ipinahiram mo sa kanya.. At sa tuwing maaaninag ko ang kislap sa mata ni Neil, hindi ko maiwasang maalala ka.

            Keith, simula’t sapul, mahilig ka na talaga sa surpresa. Bigla kang umalis. Bigla ka ring bumalik. Ngunit ngayong umalis ka muli, batid kong hindi ka na makakabalik. Gustuhin man natin. Kasama ang nag-iisang batong matagal ko ng itinago, iiwanan ko rin itong mga bulaklak na dala ko. Sana’y makahanap ka ng kapatawaran para sa mga taong inilagay sa kanilang kamay ang paglitis ng iyong buhay.

            Hanggang dito na lang ang pagrerewind ng kwento. Keith, hanggang dito na lang tayo..

            *Walang tigil ang pag-ihip ng hangin sa gayong pakaliwa. Patuloy din ang magagaaang na mga hakbang ng lalang papalayo sa puntod na pinag-iwanan ng nakasinding kandila.*

No comments:

Post a Comment