Monday, May 13, 2013

PUMRENO KA!


“What we all want is an instant escape. We just don’t notice that everything that instantly comes, also instantly goes.” (Pagayunan, 2013)

Tumatagaktak na pawis.
Tumataginting na boses.
Tumagilid na pakiramdam..

Tatlong letrang “T”. Magkakaibang depinisyon katumbas sa sari-saring pakiramdam na kalakip ng pagkuha ko ng battery exam. Ilalahad ko ang hindi kumbensyonal. Ilalatag ay pawang katotohanan.

Tumatagaktak na pawis. Oo, sa loob ng isang linggong ibinigay sa aming palugit upang makapaghanda sa darating na eksamin, wangis ng ‘sang galong tubig na yata ang ipinawis ko. Tatlong asignatura ang kailangang rebisahin. Chemistry, Anatomy  and Physiology at Introduction to Medical Technology. Ngunit kung susuriin mong maigi, magiging anim na asignatura ang mga ‘yan. Napasailalim kasi ng Chemistry ang apat na uri nito (General Chemistry, Organic Chemistry, Analytical Chemistry & Biochemistry). Kasama rin sa mga patakaran bago makakuha ng eksam ay ang kumpletong units sa lahat ng asignaturang napasailalim sa loob ng dalawang taon ng Medical Technology. Sa madaling sabi, utak ko ang nagdaan sa matinding page-ehersisyo.

Tumataginting na boses. Wala ng sisigla pa sa senaryo noong ika-25 ng Abril sa harap ng opisina ng Medical Technology. Nakapaskil ang mga pangalan ng pumasa sa nasabing eksamin. 40% ang naging kahalagahan ng Battery Exam at 60% naman ang sa General Weighted Average para sa pagkuha ng rango ng bawat estudyante. Sa bilang na 800, tanging 675 na mag-aaral lamang ang nabigyan ng pagkakataon upang ipagpatuloy ang natitirang dalawang taon sa kanilang kurso. Ang 125 na hindi pinalad ay  maaring magpalit ng kurso kung gugustuhin nilang sa FEU pa rin mag-aral. Kung kaya’t gayon na lamang ang pagbunglahit ng mga nakapasang mag-aaral.

Sinadya kong budburan ng puro katotohanan lamang ang naunang mga pahayag. Inilihis kong mapag-usapan ang ukol sa sarili kong pakiramdam. Kasi, sa tingin ko, ang sarili kong pakiramdam ay hindi ang tipikal na saloobin ng karamihan. Ang “karamihan” na pumasa. Ang “karamihan” na ipinagmamayabang ng mga magulang nila. Ang “karamihan” kung saan ako nakabilang ngunit hindi talagang nakasama. Medyo magulo? Sige, basahin mo ang aking kwento..

Tumagilid na pakiramdam.. Kung ako lang talaga ang tatanungin, ayoko ng kalikutin pa ang usaping ito. Kasi, medyo masakit. Pero, siguro may mga sugat na kailangang butingtingin para malaman mo kung gumaling na ba. Kahit paunti-unti. At least, alam mong hindi habambuhay ang pagkasariwa. Hindi ka na maya’t maya aaray. E ano nga bang ihinihumutok ko?

E kasi.. hindi ako nakasama sa PILOT SECTION.
E kasi.. nasabihan ako bilang isang FRUSTRATION.
E kasi.. wala akong natikmang CONGRATULATIONS.

Simula’t sapul, hindi ko ipinagdasal na mapasama sa pilot section. Ang tanging hiniling ko lang ay ang makasama ang matatalik kong kaibigan. Dalawa sila. Dalawa lang sila. Sabi ko kay Lord, baka pwedeng silang dalawa na lang ang ibalato nya sa’kin hanggang sa pagtanda. Tipong, sila ang makakasama hanggang sa maging mukhang pandesal na ang aking mukha. Pare-parehas kaming hindi ginustong mapunta sa pilot section. Ang equation namin? Pilot Section = Terror Professors – Less Bonding + Puyat Nights.

Simula’t sapul, lagi kong hinahamon ang sarili ko na maging PINAKA sa lahat. Pinaka-magaling na estudyante. Pinaka-nakakatawang kaibigan. Pinaka-mabuting anak. Minsan nga, nauuwi pa sa pagiging pinaka-hindi-na-pala-ako-‘to. 145 ang naging rango ko sa nasabing eksamin. Mataas na para sa’yo at para sa’kin? Pero, sa magulang ko. Hindi. Binansagang FRUSTRATION ang nakuha kong tagumpay.  Kasi ang pagiging mag-aaral na nasa bilang 145 ay hindi isang PINAKA para sa kanila.

Simula’t sapul, busog na busog na ako sa katagang “CONGRATULATIONS”. Pero noong panahong sinabi ko na pumasa ako sa ika-145 na estado, isang pahayag ang sumampal sa buo kong pagkatao- “Anong nangyari sa’yo?” iwinika ng aking mama. Tanong na hindi naman isang tanong talaga. Kundi, isang panghuhusga. Ano nga namang nangyari sa anak nyang pinalaki’t inaalagaan para maging isang PINAKA? Bakit nangulelat? Bakit napag-iwanan na? Bakit hindi itinaas ang pagiging PAGAYUNAN? Ang mga tanong na ‘yan ang nabatid ko buhat sa kanyang punto de bista. Sarili ko na nga lang pangalan, kailangan ko pang pagtrabahuhan.

Ang pagpasa ko sa battery exam, tagumpay man o kabiguan mong maturingan, ay hindi nakamit ng biglaan. Buhat sa unang pahayag na sinabi ko sa artikulong ito, mahilig ang lahat sa INSTANT. Instant na pagrerebisa. Instant na pagsasaulo. Instant na pagpupursigi. Ngunit kung magmamabilis na gawin ang isang bagay, hindi ito magiging pulido. Maraming magiging gusot.

Kung hindi naging masusi ang paghahanda ko sa eksaming iyon, marahil ay hindi ako pumasa. Kung hindi naging marahan ang pagbabasa ko sa bawat asignatura, siguro’y sa ibang eskwelahan na ako mapupunta. Kung hindi naging mahinahon ang pagtanggap ko sa masasakit na salita, baka lumuluha pa rin ako habang nagsasalaysay ng sariling storya.

TAMA. Walang biglaang nagtatagal. Walang epektibong paspasan.

No comments:

Post a Comment