Sunday, January 22, 2012

Alamat ng Tae

"PATIRAHIN NYO NA AKO, HAYAANG MAKABUNTIS!"
--baklang batang ginagawang source of entertainment ang chinese garter.

Sa araw araw na paglalakad ko at pag aabang ng jeep na masasakyan, iba't ibang senaryo ang nakalatag sa akin bilang pa-almusal. Kaliwa't kanan, may kanya kanyang storya. Kaliwa't kanan, may sari-sariling PROBLEMA. Kaliwa't kanan, may mga tae akong pwedeng matapakan.

Paika-ikang naglalakad ang matanda na tila ba nahawa sa karton nyang kulang na ang gulong. Kartong pansin na ang kupas na kulay at halos malaglag na ang tilapia at kiluhang dala dala.

Balbas saradong lalakeng nakakunot ang noo sa bawat pag padyak sa kanyang bisikleta. Ang pedicab na kinalalagyan ng mga boteng magrasa at para bang natutulog din tulad ng mga anak nyang nakahilata.

Nandyan ang manong driver na malinis pa ang kahang lagayan ng pera dahil unang pasada pa lang ng dyip nya.

Batang babaeng kulot na pumapalahaw dahil sa paulit-ulit syang pinipintas na sya raw ay salot.

Si Sarah Geronimo na may hawak na "Tuloy po Kayo" sa harap ng Cebuana Lhuillier. Maging mga magnanakaw ay hinihikayat nya!


Nangangalakal ng mga sirang pridyider habang nagtetext. Eto ang kaso, mas maganda pa nga ang cellphone nya sakin!

Buntis na habang naninigarilyo'y sumisigaw upang magtawag para sa dyip na naghihintay ng mga pasahero.

Kolehiyalang naligo ng pabango. Nagkulot ng buhok. Naglinis ng kuko.

Lingid sa ating kaalaman, lahat sila may kanya kanyang dala. Dalahing higit pa sa ating maaring makita. Dalahing mas mabigat pa sa kiluhan at koloreteng nakatapal sa mukha.
Dalahing pumapatay sa kalhati ng pagkatao nila.

MALAY MO... Yung matandang may dalang kiluhan, iniwan ng sariling anak. Pinabayaan sa lansangan.

MALAY MO...Yung balbas saradong lalake, balo na. Iniwan sa kanya ang mga anak at mag-isa nyang binubuhay. Mag-isa silang binubuhay ng mga tilapiang tinda nya.

MALAY MO...Si manong driver, bakla pala. Kaya laging pumapasada, kasi mismong pamilya itinakwil sya. Hindi maintindihang ang pagiging bakla ay hindi isang sakit na ginagamot. Hindi isang sakit na nakakahawa. At lalong hindi isang sakit na dapat ikahiya.

MALAY MO...Ang batang babaeng kulot, sariling magulang ang tumatawag sa kanyang salot. Salot dahil dagdag pakainin. Salot dahil hindi sya kadugo. Salot dahil ampon sya.

MALAY MO...Si Sarah Geronimo apektado sa balitang relasyon nina Mark Bautista at Piolo Pascual.

MALAY MO...Yung nangangalakal kaya pala nagtetext ay humihingi ng dasal. Dasal para sa ina nyang malapit nang maukitan ng lapida. Bawat pagpukpok sa bakal na kinukuha mula sa pridyider ay paulit-ulit na tinatanong ang sarili. Tinatanong kung saan makakabili ng
"MIRACLES" na syang reseta ni doc para sa ina nya.

MALAY MO...Yung buntis na barker kumakayod para sustentuhan ang araw araw na taya ng asawa nya sa sabungan.

MALAY MO...Ang kolehiyalang babae, gabi-gabing umiiyak. Matalino.Mabait.Masipag. Kaso ang problema, parehas na magulang nasa loob ng selda. Walang maipangtustus sa pag-aaral nya. Sya mismo naghahanap ng pera para lang maipagpatuloy ang pag-aaral. Pati sariling laman, ibinebenta.

MALAY MO...yung batang bakla na nagcha-chinese garter, nahuli ang ina nya at kasambahay nila na may relasyon sa isa't isa. Hindi pa nya alam kung paano pakikitunguhan ang dalawa. "Bakla ako, tomboy sila. Magugunaw na ba ang mundo? Normal lang naman kami di ba?" laging nyang winiwika.

Maaring normal ko silang nadadaan-daanan lang- nakangiti, natutulog, nakanganga. Sa likod ng bawat angulo ng bibig nila, nakahimlay ang libo-libong storya. Lahat ng yan, MALAY MO lang. Walang kasiguraduhan. Puros haka-haka. Pero, MALAY MO NGA NAMAN DI BA? Yan ang realidad. Kumbaga, hindi lang sa sinehan natutupad.

Kaya wag mo isiping nasa iyo na lahat ng problema. Dahil yung iba nasa KANILA. Yung iba nga, nasa AKIN pa.

Iba't ibang kulay, laki at lagkit ang taeng pinakikitungahan natin araw araw. Lahat ng tae mabaho. Lahat ng tae, gusto mong tanggalin kapag natapakan mo. Ang problema ay kawangis ng isang tae. Kanya kanyang paraan kung paano masosolusyunan ang sariling tae. Ikaw ang bahala kung hanggang kelan mo gustong nandun yung baho. Pwede mong hayaan na lang.
Patuyuin. Pero tandaan mo, kapag yan nabasa, aalingasaw.

Sa tuwing may problema ka, balikan mo ito. Muling basahin. Tanungin sa sarili kung ang problema mo ba, sing bigat o mas mabigat pa ng nasa kanila. O di ba, hindi naman? Kung oo, gayahin mo sila. Ituloy ang buhay. Lahat tayo may malungkot na pinagdadaanan. DAANAN mo lang kasi yan, wag mong TAMBAYAN!!!

1 comment: